P43M multa ipinataw sa mahigit 200 establisyimento sa Boracay

Umabot sa P43 milyon ang ipinataw ng Pollution Adjudication Board (PAB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga establisyimentong lumabag sa iba’t ibang environmental laws sa Boracay.

Sa kabuuan, nasa 209 na mga establisyimento ang pinagmumulta dahil sa mga paglabag.

Ayon kay DENR Undersecretary Rodolfo Garcia na siya ring presiding officer ng PAB, kailangang pagbayaran ng mga establisyimento sa isla ang pagkasira nito.

Aniya, tanging ang mga makakapagbayad ng multa ang papayagan na muling iproseso ang kanilang business permits para muling magbukas.

Dagdag pa ni Garcia, hindi lamang ang mismong isla ng Boracay ang dapat linisin kundi maging ang mga negosyanteng walang pakialam sa estado ng kalikasan sa isla.

Mula sa 209 na mga lumabag na establisyimento, 110 dito ang napatunayang lumabag sa Philippine Clean Air Act.

72 naman ang pinagmumulta dahil sa paglabag sa Philippine Clean Water Act, kabilang ang paglalabas ng maruming tubig direkta sa dagat ng Boracay.

Read more...