Bagyong Rosita inaasahang tatama sa kalupaan ng Southern Isabela
Napanatili ng bagyong Rosita ang taglay nitong lakas ng hangin habang patuloy na lumalapit sa Southern Isabela kung saan ito magla-landfall.
Batay sa 2AM severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 130 kilometro silangan, hilagang silangan ng Casiguran, Aurora.
150 kilometro bawat oras malapit sa gitna pa rin ang dala nitong hangin, habang ang pagbugso ay napanatili sa 185 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang sama ng panahon sa direksyong kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, tatama sa kalupaan ang bagyo sa pagitan ng alas-5 at alas-7 ng umaga sa Southern Isabela.
Dadaanan nito ang mga lalawigan ng Aurora, Quirino, Ifugao, Nueva Vizcaya, Benguet, at La Union bago aalis sa landmass ng bansa mamayang hapon.
Tuluyan naman itong lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng gabi.
Magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-uulan ang typhoon Rosita sa Northern at Central Luzon.
Asahan ang storm surge na posibleng umabot sa tatlong metro sa mga coastal areas ng Isabela, Cagayan, Aurora, Ilocos provinces, La Union, at Pangasinan.
Sa ngayon ay nakataas pa rin ang tropical cyclone warning signal number 3 sa mga lalawigan ng:
• Isabela
• Quirino
• Northern Aurora
• Nueva Vizcaya
• Ifugao
• Benguet
• La Union
• Ilocos Sur
• Mountain Province
• Pangasinan
Signal number 2 naman ang umiiral sa:
• Cagayan
• Ilocos Norte
• Apayao
• Abra
• Kalinga
• Tarlac
• Nueva Ecija
• Northern Quezon kabilang ang Polillo Island
• Southern Aurora
• Zambales
• Pampanga
• Bulacan
Samantala, nakataas naman ang signal number 1 sa:
• Southern Quezon
• Batanes at Babuyan group of Islands
Rizal
• buong Metro Manila
• Laguna
• Batangas
• Bataan
• Cavite
• Camarines Norte
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.