Pinabubuwag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Sugar Coporation (Phisucor).
Base sa memorandum order number 30, hindi na kasi nagiging epektibo ang Philsucor sa kanyang tungkulin na bigyang ayuda ang mga nasa sugar industry.
Nakasaad pa sa memorandum order ng pangulo na mayroon naman nang Sugarcane Industry Development Act of 2015 na nagbibigay kapangyarihan sa Sugar Regulatory Administration na magbigay ng financial assistance sa mga nasa industriya ng asukal.
May binibigay na rin aniyang financing na ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Pinatitiyak naman ng pangulo na mabibigyan ng maayos na kompensasyon ang mga empleyado ng Philsucor na mawawalan ng trabaho.
Nauna nang sinabi ng pangulo na magpapatupad siya ng streamlining sa pamahalaan para sa maiwasan ang redundancy sa gobyerno.