Nakapagtala na ng mahigit 25,000 pasahero ang Philippine Coast Guard (PCG) sa iba’t ibang mga pantalan sa bansa para gunitain ang Undas.
Sa update para sa kanilang Oplan Biyahe Ayos, sinabi ng Coast Guard na umabot sa 25,097 na mga pasahero ang naitalang bumiyahe simula alas 12:00ng hatinggabi hanggang alas 6:00 ng umaga ng Lunes, Oct. 29.
Pinakamaraming naitalang bumiyahe sa pantalan Davao na umabot sa 7,174 na pasahero; sinundan ng mga pantalan sa Central Visayas, 4,453 na pasahero; Southern Visayas – 3,322; Southern Tagalog – 3,004; Bicol – 3,178; Northern Mindanao – 1,761; Western Visayas – 1,250; at Eastern Visayas – 955.
Ayon sa Coast Guard patuloy ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa mga pantalan para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ngayong linggong ito inaasahang marami pa ang bibiyahe pauwi sa mga lalawigan o di kaya naman ay paluwas ng Metro Manila para sa paggunita ng Undas.