Pahayag ni Sison sa pagpapalawig ng martial law tinawag na katawa-tawa ng Malacañan
Pinalagan ng Palasyo ng Malacañan ang naging pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison tungkol sa plano umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang umiiral na batas militar sa Mindanao.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang katotohanan at katawa-tawa ang sinabi ni Sison na plano umanong palawigin sa buong bansa ang martial law.
Ani Panelo, isang taon nang ipinantatakot ni Sison ang martial law ngunit lagi naman itong napapatunayang hindi totoo.
Patunay lamang aniya ito na sa tinagal nang wala sa bansa ni Sison ay hindi na rin niya alam ang realidad sa pulitika sa bansa.
Binigyang diin pa ni Panelo na paulit-ulit nang sinabi ni Pangulong Duterte na bababa siya sa pwesto kapag natapos na ang kanyang termino sa 2022 kagaya ng nakasaad sa konstitusyon.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na bagaman wala pang rekomendasyon ang militar kung dapat pa bang i-extend ang batas militar sa Mindanao ay wala namang balak ang Malacañan na tutulan ito kung sakali.
Aniya pa, ilang beses nang sinabi ng pangulo na palalawigin lamang ang martial law kung tunay itong kinakailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.