Nagpahayag ng kasiyahan ang Palasyo ng Malacañang sa resulta ng third quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan nakakuha ng ‘very good’ net trust rating si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakakuha ng net trust rating na +62 si Duterte sa third quarter na mas mataas sa +57 noong Hunyo at nananatili sa klasipikasyong ‘very good’.
Sa isang statement, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagpapasalamat ang gobyerno sa patuloy na suporta ng publiko kay Pangulong Duterte.
Para kay Panelo, isang ‘source of inspiration’ ang resulta ng survey para ipagpatuloy ang pangakong ‘tunay na pagbabago’ ng presidente para sa bansa.
Anya, ang unang trabaho ng isang mabuting lider ay ang pagpunla ng tiwala na kinakailangan para sa positibong resulta ng mga adbokasiya.
Tiniyak ng kalihim na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga makabuluhang reporma na tutugon sa pangangailangan ng mga Filipino.