Umaasa si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na maglalabas na si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order sa buwan ng Nobyembre para buwagin na ang kanyang tanggapan at ibalik ang Office of the Press Secretary.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Andanar na na-overtake ng iba’t ibang mga pangyayari ang kanyang isinumiteng draft para sa pagbuo ng EO.
Natambakan aniya ng trabaho ang pangulo gaya halimbawa ng pagbubukas ng Boracay island at ang insidente sa Bureau of Customs na kinasangkutan ni Commissioner Isidro Lapeña na inilipat sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sa P6.8 bilyong shabu shipment.
Habang wala aniyang EO, tuloy lamang ang kanyang trabaho bilang kalihim ng PCOO.
Purisigido si Andanar na maisulong ang mga reporma sa mga tanggapan na nasa ilalim ng PCOO gaya ng PTV-4, Radyo Pilipinas, at iba pang media platform.