Pangulong Duterte hindi takot para sa kanyang seguridad — Malacañan

Hindi nababahala si Pangulong Rodrigo Duterte na matulad sa mga kritiko ni US President Donald Trump na pinadalhan ng mail bomb ng suspek na si Cesar Sayoc.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na si Pangulong Duterte ang tipo ng presdiente na walang pakialam kung may banta sa kanyang seguridad o kung mayroong assassination plot.

Wala rin aniyang pakialam ang pangulo kahit na may nararanasang sakit o karamdaman dahil para sa kanya ay pursigido siyang magtrabaho at tuparin ang kanyang tungkulin.

Hinahayaan na aniya ng pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang seguridad ng bansa.

Ayon kay Panelo, base sa impormasyon ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez, 10 taon nang ginagawa ni Sayoc ang pagpapadala ng mga mail bomb.

Si Sayoc ay sinasabing may kaugnayan sa Pilipinas at apo ng isang Colonel Baltazar Zook Sayoc na nakipaglaban sa mga komunista.

Read more...