Rosita, rollback at SRP sa bigas sa “Wag kang pikon!” ni Jake J. Maderazo

By Jake J. Maderazo October 28, 2018 - 02:31 PM

Tatlong malalaking kwento ang nasa isip ng mamamayan ngayong Lunes. Una, ang bagyong “Rosita” na inaasahang maglalandfall sa pagitan ng Northern Luzon at Central Luzon sa Martes ng umaga. Ikalawa ang malaking oil price rollback ng mga kumpanya ng langis bukas dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng Dubai Crude sa Mean of Platts-Singapore (MOPS). At Ikatlo na masasabing mas importante dahil abot sikmura , ay ang pagpapatupad ng “suggested retail price” ng bigas dito sa Metro Manila.

Ayon sa DTI at DA, ang local regular milled rice ay P39/kg, local well milled rice-P44/kilo at local premium grade rice ay P47/kilo. Sa mga bigas na imported, ang well milled rice ay P39/kilo , premium grade 2 ay P40/kilo, at ang premium grade1 ay P43/kilo . Ang “Special rice” ay walang SRP dahil ang mga presyo nito’y naglalaro sa P50 hanggang P80 bawat kilo. Binebenta pa rin ang NFA rice na “imported” sa P27/kilo samantalang ang NFA imported premium rice na tinawag na “bigas ng masa” ay P36/kilo. Lahat ito’y inilunsad noong Sabado sa Commonwealth market, QC.

Kung susuriin, mas mahal ng limang piso ang “local well milled” kaysa sa ‘imported’ ganoon din ang local premium grade na mas mahala ng apat na piso. Ito’y maliwanag na pabor sa mga lokal na magsasaka lalot matagal na silang binabarat ng mga “traders”.

Pero sa obserbasyon ng Laban Konsyumer Inc sa pangunguna ni Atty Victor Dimagiba, mas mababa ang presyo ng local “regular miled rice” na P40 lamang sa Fairvew-Regalado Wet market kahit ang SRP ay P44/kilo. Ito na kaya ang magiging kalakaran kung saan bababa ang presyo ng bigas dahil sa bumabahang suplay mula importasyon at anihan?

Isa pang inaabangan ko rito ay itong “labelling” ng mga binebentang bigas sa mga retail at wholesale outlets. Talagang kaliangan nating malaman ang pinanggalingan ng kinakain nating bigas, hindi lamang sa isyu ng kalusugan kundi upang masawata na rin ang “smuggling” “repacking” o buriki na dati nang mga kalakaran.

Simula sa katapusan ng Disyembre, wala na raw mga pekeng pangalan sa mga bagong sako ng bigas. Kailangang matukoy sa ‘sako” o sa “vacuum bag” ang pangalan ng pinanggalingan ng bigas, sinong magsasaka, miller, maging ito’y local o imported galing ng Vietam, Thailand o Pakistan. Bawal na rin ang mga “fancy names” tulad ng Sinandomeng, Dinorado, Angelica , Yummy rice at iba pa.

Sa kabuuan, nasa tamang direksyon, sa palagay ko, ang DA at DTI dito. Pero ang paghataw sa mga tiwali at walang pusong rice manipuators ay sa November 10 pa magsisimula. Ito’y dahil sa 15 days publication na rekisitos sa implementasyon ng SRP na inisyu nito lamang Biyernes, Oct. 26.

Mabigat ang mga parusa, bukod sa tanggal lisensya, at multang mula P2k hanggang P1M sa ilalim ng Price Act , meron ding kulong na apat na buwan hanggang apat na taon.

Pero, ang pinakamalaking tanong, totohanin kaya nina Agriculture Sec. Manny Piñol at DTI sec. Ramon Lopez ang pagpapakulong mga lumalabag sa batas ng SRP at Price Act? O baka papogi points lang ng administrasyon?

TAGS: Bagyong Rosita, Bigas, SRP, suggested retail price, Bagyong Rosita, Bigas, SRP, suggested retail price

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.