CBCP pinaiiwas ang publiko sa mga katatakutan ngayong Undas

Parade of Saints ng SICAP | FB photo

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Laity (CBCP-ECL) sa publiko na iwasan ang pakikiisa sa mga sekular na gawain ngayong Undas tulad ng pagdiriwang ng Halloween at pagsusuot ng mga nakakatakot na costumes.

Iginiit ni CBCP-ECL Chairman Bishop Broderick Pabillo na ang Halloween ay ‘celebration of death o kamatayan’ habang ang All Saints’ Day at All Souls’ Day ay ‘selebrasyon ng buhay’.

Paliwanag ni Pabillo, sa tuwing pumupunta ang publiko sa mga sementeryo ay nag-aalay sila ng mga panalangin, bulaklak, kandila at ang iba ay nagdadala ng pagkain – ang mga ito anya ay mga senyales ng buhay.

Nanawagan din si Pabillo na gawin ang tama sa paggunita ng Undas at ito ay ang alalahanin at ipagdasal ang mga yumao.

Dagdag pa niya, imbes na magsuot ng mga nakakatakot na costume at maskara, mas maganda kung pagsusuotin ang mga bata ng mga costume ng mga Santo at ipaparada o ang tinatawag na Parade of Saints.

Ang All Saint’s Day o Todos los Santos ay isang kapistahan na inilaan ng Simbahang Katolika para bigyang parangal ang mga santo o banal sila man ay kilala o hindi.

Habang ang All Soul’s Day o araw ng mga kaluluwa ay pag-alala sa mga yumao nang sila ay makatamo ng kadalisayan at makarating sa langit.

Read more...