Typhoon Yutu papasok na ng bansa ngayong araw; papangalanang Rosita
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang bagyo na may international name na ‘Yutu’.
Sa 4am weather advisory ng ahensya, huling namataan ang Typhoon Yutu sa layong 1,495 kilometro Silangan ng Northern Luzon.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 225 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa direksyong pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras at papasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw at papangalanang ‘Rosita’.
Wala pang direktang epekto ang bagyo sa mga kalupaan ng bansa ngayon ngunit mararamadaman na ang hagupit nito sa mga karagatan sa Silangang bahagi ng bansa.
Dahil dito, itinaas ng PAGASA ang gale warning sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon, eastern seaboards ng Southern Luzon at seaboards ng Samar Provinces.
Mapanganib na ang alon sa mga nasabing karagatan na posibleng umabot sa 4.5 meters.
Ayon sa PAGASA may posibilidad na tatama sa Northern Luzon area o Central Luzon ang bagyo.
Ngayong araw, apektado ng Amihan ang Batanes, Calayan at Babuyan Group of Islands na makararanas ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-uulan.
Sa nalalabing bahagi ng bansa ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.