SRP sa bigas ipatutupad na bukas

DA Photo

Wala nang makakapigil para sa pagpapatupad ng suggested retail price o SRP sa mga bigas simula bukas.

Unang naudlot ng tatlong araw ang pagpapatupad ng SRP dahil sa pakiusap ng mga rice retailers na gagawa pa sila ng mga bagong signages.

Sinabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol na ang imported well milled rice ay hanggang P39 lang bawat kilo, samantalang ang mga imported premium rice na ipinagbibili ngayon ng hanggang P60 kada kilo ay hindi na dapat hihigit sa P43.

Ang local regular milled rice ay hindi na dapat lumagpas sa P39 kada kilo, samantalang ang well milled rice naman ay hanggang P44 lang at ang premium rice ay hindi dapat sosobra sa P47 ang bentahan bawat kilo.

Wala naman itinakdang SRP sa mga special rice varieties tulad ng Cordillera Heirloom, Organic Brown, Red and Black, Dinorado, Milagrosa, Jasponica, Dona Maria, Hinumay, Malido, Kamoros at Malagkit.

Ipinagbabawal na ang mga ispesyal na tawag sa mga bigas, tulad ng Sinandomeng, Super Angelica at Yummy.

Paglilinaw pa ni Piñol na ang pagpapatupad ng SRP sa bigas ay sa Metro Manila at Greater Manila Area muna, at pag uusapan pa sa susunod na linggo ang SRP sa mga supermarkets at iba pang rehiyon.

Read more...