Boracay island, bubuksan na muli ngayong araw
Matapos ang anim na buwang rehabilitasyon, opisyal nang muling bubuksan ang isla ng Boracay sa publiko.
Matatandaang noong April 2016, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara sa tourist destination dahil sa kinahaharap na mga problemang pangkalikasan.
Sa muling pagbubukas ng isla, inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na mayroong 157 establishments ang handang tumanggap sa mga turista.
Katumbas ito ng 7,308 rooms na sumailalim sa accreditation ng Boracay Inter-agency Task Force.
Sinabi naman ng DOT na hanggang 6,405 na turista lamang kada araw ang papayagan sa isla.
Kailangan ng mga itong huminto sa tourist verification centers bago makasakay ng mga bangka papunta sa isla.
Samantala, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na dadagdagan ang mga pulis na nagpapatrolya sa Boracay.
Mula sa 200 ay gagawin itong 400 ngayong araw bilang paghihigpit na rin sa seguridad dahil na rin sa inaasahang pagdalo ng mga opisyal ng gobyerno sa pagbubukas ng Boracay ngayong araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.