Heart relic ni Padre Pio ibabalik na sa Italya ngayong araw
Patuloy ang pagdagsa ng mga deboto sa National Shrine of Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas para pagpitaganan ang heart relic ng isa sa mga pinipintakasing santo ng Simbahang Katolika.
Mayroon na lamang hanggang ngayong araw ang mga deboto para masilayan ang heart relic ni Padre Pio na ibabalik na sa San Giovanni Rotondo, Italy.
Ayon sa rector ng national shrine na si Fr. Joselin Gonda, isang farewell mass ang isasagawa ngayong alas-9:00 ng umaga.
Susundan ito ng farewell liturgy at motorcade papuntang Ninoy Aquino International Airport.
Dalawampu’t isang araw ang inilagi ng heart relic ni Padre Pio sa bansa mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Para kay Fr. Gonda, ang pagbisita ni Padre Pio sa bansa ay nagpalakas sa pananampalataya ng mga Filipino.
Kilala si Padre Pio bilang isang Capuchinong pari na nagkaroon ng stigmata o mga sugat na kahalintulad ng sa Panginoong Hesukristo.
Samantala, sinuspinde na ng pamahalaang lokal ng Sto. Tomas, Batangas ang pasok sa gobyerno at mga paaralan.
Ito ay upang mabigyang pagkakataon ang mga empleyado na mag-alay ng panalangin sa Santo sa huling araw nito sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.