Aarangkada na susunod na linggo ang pag-aaral ng Armed Forces of the Philippines kung nararapat pang palawigin o hindi ang martial law sa Mindanao region na matatapos na sa December 31, 2018.
Sa pulong balitaan Malacañang, sinabi ni AFP Chief of Staff General Carlito galvez na sisimulan ang assessment sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagbisita sa Eastern Mindanao Command at Western Mindanao Command.
Mayroon na rin aniyang mga kinatawan mula sa religious at local government sector pati na sa Philippine National Police.
“So we have already some religious and also some of the LGUs but we need to know, we need to assess further, considering that the assessment are coming from the AFP should be jointly with the PNP”, paliwanag ni Galvez.
Una rito, sinabi ng Malacañang na wala pang natatanggap ang kanilang hanay na rekomendasyon mula sa PNP at AFP kung palalawigin ang batas militar.
Ideneklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao region matapos sumiklab ang giyera sa Marawi City noong May, 2017 dahil sa pag-atake ng teroristang Maute at Isis group.