EXCLUSIVE! Superstar Nora Aunor: Kalimutan na natin ang National Artist na iyan

By Chona Yu October 25, 2018 - 10:01 AM

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita na si Superstar Nora Aunor sa hindi pagkakasama sa listahan ng National Artist Awardee na ginanap kagabi sa Palasyo ng Malakanyang.

Sa mensahe ng Supertar na ipinadala sa Radyo Inquirer, sinabi nito na hindi na mahalaga sa kanya ang naturang karangalan.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng parangal sa pitong natatangging indibidwal.

“Kalimutan na natin ang National Artist na yan.”

Sa text message ng Superstar na ipinadala sa Radyo Inquirer, sinabi nito na sapat na sa kanya ang respetong natatanggap sa mga kasamahan sa trabaho.

“Kung gagamitin lang naman ang National Artist para pagpyestahan at hamakin ang mga personal kong pagpupunyagi sa buhay–ako na po ang nakikiusap na itigil na po natin ang lahat nang ito. Ano ba naman ang isang award kung kapalit naman nito’y ang paulit-ulit na paghamak sa pagkatao ko at sa mga taong naniniwala sa akin?,” dagdag ng Superstar.

Sinabi pa ng Superstar na hindi niya hinangad ang magawaran ng National Artist Award.

“Hindi ako ang binastos at pinaglaruan nila kundi ang mga Noranians, mga taong nagtitiwala at naniniwala pa rin sa talentong ibinigay ng Diyos sa akin. Isa pa hindi kasi ako politikong tao,” pahayag ng Superstar.

Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Aunor sa lahat ng mga Noranians at mga kaibigang nagtitiwala sa kanyang kakayahan at kontribusyon sa sining at kultura.

Hinimok pa ng Superstar ang kanyang mga kasamahan sa industriya ipagpatuloy na lang ang paglikha ng makabuluhang pelikula at mga awit na magsisilbing inspirasyon sa mga Filipino.

Mas masaya aniya siya kung mapapabuti pa ang industriya ng pelikula, kung matutulungan ang mga bagong filmmakers at mga mang aawit kasama na ang mga beteranong aktor at aktres, mga direktor, mga manunulat, na mapagbuti ang kanilang sining.

Dagdag ng Superstar na tuloy lang ang buhay, tuloy ang trabaho hangga’t binibiyayaan pa rin siya ng Diyos para makapagtrabaho .

Sa huli, inanyayahan pa ni Aunor ang mga Noranians huwag nang malungkot o masaktan at para maging masaya ang buhay ay manood na lang ng kanyang programa sa telebisyon na Onanay.

Kabilang sa mga pinarangalan ng Pangulo kagabi sina:
– Francisco Mañosa para sa larangan ng architecture

– Eric de Guia aka ‘Kidlat’ para sa larangan ng film

– Ramon Muzones at Resil B. Mojares para sa literature

– Ryan Cayabyab para sa music

– Amelia Lapeña Bonifacio para sa theater

– Lauro ‘Larry’ Alcala para sa visual arts

Ginawaran din ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) Award sina Ambalang Ausalin, Estelita Bantilan, at Yabing Masalon- Dulo.

Matatandaang taong 2014, hindi inaprubahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang National Artist Award sa Superstar dahil sa kaso ng ilegal na droga.

Taong 2005 nang maaresto ang Superstar sa Amerika matapos makuhanan sa bag ng mahigit pitong gramo ng shabu.

TAGS: EXCLUSIVE, national artist, Pangulong Duterte, Superstar Nora Aunor, EXCLUSIVE, national artist, Pangulong Duterte, Superstar Nora Aunor

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.