Suspensyon ng fuel excise tax sa 2019 sigurado na
Sa pagpasok ng bagong taon, gagaan na kahit paano ang balikat ng taumbayan sa pagpasan nila ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs ukol sa posibleng maging epekto sa inflation ng suspensyon ng excise tax, naiisip ng Department of Finance (DOF) na sa unang tatlong buwan ng bagong taon ipapatupad ang suspensyon.
Ngunit ayon kay Senador Win Gatchalian, chairperson ng komite, nais niya na anim na buwan na suspindido ang dagdag buwis sa mga produktong-petrolyo.
Ngunit kahit suspindido ang fuel excise tax, tiniyak ni Gatchalian na hindi mapuputol ang tulong na ibinibigay sa mga mahihirap na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Samantala, sa panig ng mga ahensiya ng gobyerno, may mga bagay din silang maisasakripisyo ngunit prayoridad na hindi maapektuhan ang mga infrastructure projects.
At ayon kay Budget Assistant Secretary Rolando Toledo, may mga ikinukunsidera na silang mga bagay na mababawasan dahil sa pagtapyas sa budget ng mga ahensiya bunga ng suspensyon at ito ay tinatayang aabot sa P27 bilyon.
Ngayong nagsisimula nang lumambot ang presyo ng langis at bigas, naniniwala si Gatchalian na sa 2019 ay mababawasan ang hirap at sakripisyo ng mga mamamayan.
WATCH:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.