Binatikos ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes ang alegasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may kaugnayan ang Sagay Massacre sa nilulutong pagpapatalsik sa administrasyong Duterte.
Sinabi ng AFP na bahagi ng ‘Red October’ plot ng mga komunista ang pagpatay sa siyam na magsasaka sa Sagay City.
Ayon kay Reyes isang cover-up ang ginagawa ng militar at ng Philippine National Police (PNP) sa Sagay Massacre sa pamamagitan ng paggigiit sa sinasabing destabilization plot na iniuugnay sa mga komunista.
Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi na aarangkada pa ang sinasabing ‘Red October’ plot.
“The only sinister plot we are seeing here is the disgusting cover-up being done by the AFP and PNP in the Sagay Massacre—deflecting the blame from the landlords and private armies in order to bolster a discredited ‘destabilization’ claim by involving the CPP-NPA,” ani Reyes.
Dagdag pa ni Reyes, tila mas interesado pa ang PNP at AFP sa mga anti-Communist propaganda kaysa matamo ang hustisya para sa mga biktima.
Nanawagan ng independent probe si Reyes sa insidente.