6 na COA Auditors sinibak ng Ombudsman dahil sa pagtanggap ng bonus mula sa LWUA

aug 27 justiceSinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang anim na auditor ng Commission on Audit (COA) dahil sa kasong Grave Misconduct matapos tumanggap ng milyon-milyong dagdag na sweldo at bonus mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA).

Kabilang sa mga pinatawan ng parusang pagkakasibak sina state auditor na sina Juanito Daguno, Jr., Proceso Saavedra, Teresita Tam, Corazon Cabotage, Evangeline Sison at Vilma Tiongson, gayundin ang mga machine operator na sina Violeta Gamil and Roberto Villa.

Binawalan na ring magtrabaho sa anumang tanggapan ng gobyerno ang mga nabanggit na indibidwal at wala rin silang tatanggaping retirement benefits.

Kasabay nito, pinayawan naman ng anim na buwang suspensyon ng Ombudsman dahil sa kasong simple misconduct ang mga opisyal ng LWUA na sina Lorenzo Jamora, Wilfredo Feleo, Orlando Hondrade at Daniel Landingin.

Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, pinayagan ng mga nabanggit na LWUA executives ang pagbibigay ng karagdagang bonus sa mga LWUA at COA personnel simula 2006 hanggang 2010 na aabot sa P25 million.

Dahil sa nasabing kontrobersya, ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kina Daguno, Saavedra, Tam, Cabotage, Sison, Tiongson, Gamil at Villa.

Kasama ding pinakakasuhan ang walong iba pang COA executives na sina Edna Anical, Thelma Baldovino, Evelyn De Leon, Nestorio Ferrera, Zoharayda Obog, Ligaya Principio, Jesusa Punsalan at Paulino Sarmiento.

Narito ang halaga ng bonus na tinanggap ng mga opisyal ng COA base sa record ng COA Human Resource Office:

• Ferrera P961,000
• Baldovino P886,000
• Gamil P834,000
• Anical P789,000
• Sarmiento P703,000
• Saavedra P692,000
• Obog P658,000
• Villa P650,000
• Principio P642,000
• Daguno P615,000
• Punsalan P602,000
• Tam P592,000
• Cabotage P542,000
• De Leon P517,000
• Sison P183,000
• Tiongson P164,000.

Sinabi pa ng Ombudsman na hindi maaring ikatwiran ng mga COA employees na lapse in judgment lamang ang ginawa ng mga ito dahil ang nangyari ay paglabag sa mismong polisiya ng kanilang sariling ahensya.

Malinaw din ayon kay Ombudsman Conchita Carpio – Morales na mayroong malicious intent ang mga nasabing COA auditors at employees para mapaboran ang kanilang sarili sa expense ng publiko.

Read more...