DOF: 40% lamang ng PUJ drivers ang nabigyan ng fuel subsidy
Umaabot lamang sa 40 percent ng mga beneficiaries ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan ang nabigyan ng P5,000 fuel subsidy kaugnay sa epekto ng Tax Reform for Acceleration for Inclusion (Train) Law.
Ayon kay Finance Usec. Karl Kendrick Chua, sa kanilang tala noong October 22 ay umaaabot lamang sa 56,154 jeepney franchise holders mula sa kabuuang 142,000 ang nakinabang sa nasabing programa.
Ipinaliwanag ng opisyal na documentation ang siyang pangunahing dahilan kung bakit hindi nabigyan ng sapat na ayuda ang ilang mga operators at tsuper ng jeepney.
Binatikos naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang nasabing pagkakamali ng pamahalaan dahil mabilis umanong nangulekta ng excise tax ang DOF pero bigo naman silang maibigay ang dagdag na benepisyo sa mga tunay na pinaglaanan nito.
Ipinaliwanag naman ni Chua na naging maingat lamang ang Department of Transportation sa pagpapatupad ng programa kaya kailangan na magpakita ng mga kinakailangang dokumento ang mga beneficiaries.
Para maresolba ang problema ay pinayuhan na lamang ni Sen. Nancy Binay ang DOTr at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na sila na lamang ang maghanap sa mga tunay beneficiaries ng proyekto.
Madali itong makikita base sa record ng LTFRB ayon kay Binay.
Nauna nang sinabi ng DOTr na kailangang nasa master list ang mga beneficiaries at bago nila makuha ang kanilang debit card na naglalaman ng P5,000 ay kailangan nilang magpakita ng mga dokumento at ID picture.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.