Sa kaniyang liham kay Ombudsman Samuel Martires, hiniling ni Mamba na gumawa ng hakbang ang Ombudsman para ihirit sa korte na kanselahin ang pagpayag na magpiyansa si Enrile.
Ayon kay Mamba at sa iba pang local leaders sa Cagayan, ang paghahain ng certificate of candidacy ni Enrile para tumakbong senador ay patunay na maayos ang kaniyang kalusugan.
Taliwas anila ito sa apela ni Enrile noon sa Korte Suprema na hindi maganda ang kondisyon ng kalusugan niya kaya hiniling niyang payagan siyang magpiyansa.
Sinabi ni Mamba na kung kakayaning kumandidato ni Enrile, ibig sabihin ay maayos naman ang kondisyon nito.
Magugunitang sa paghahain ng COC sinabi ni Enrile na hindi siya mangangampanya at hindi siya magpupunta sa iba’t ibang lugar.
Sa halip, gagamit na lang aniya siya ng social media para makapangampanya.