Higit 8,770 barangay idineklara nang drug-cleared – PDEA
Umabot na sa 8,766 na barangay sa buong bansa ang idineklarang drug-cleared mula September 30, 2018 ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa ‘Real Numbers’ press conference ng PDEA at ng Philippine National Police (PNP), iniulat na nasa 23,262 pa na baranggay ang kasalukuyan pang nililinis sa iligal na droga.
Iginiit naman ng PNP at PDEA na nagpapatuloy ang kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, ang drug-cleared barangay ay yaong mga napasok ng iligal na droga ngunit matagumpay na nalinis sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno.
Kabilang dito ang pagpapasuko at paghimok sa mga drug users na huminto na sa paggamit, pag-aresto sa mga drug personalities, pagtanggal sa transshipment points, pagwasak sa manufacturing facilities at pagkakaroon ng rehabilitation centers sa mga baranggay.
Ayon kay Carreon, umabot na sa kabuuang P25.01 bilyon na halaga ng droga at mga kagamitan ang nakumpiska sa buong bansa mula Setyembre 2018 na mas mataas ng P891 milyon noong Agosto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.