Anti-Political Butterfly Bill target maipasa ngayong taon ng Kamara – Rep. Tugna
Umaasa si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna na susuportahan ng Malacañang ang panukalang batas na maghihigpit at magpapataw ng parusa laban sa mga balimbing na pulitiko na lumilipat ng partido.
Ayon kay Tugna, nais nilang lumusot sa Kamara ang panukala bago matapos ang taon upang masakop nito ang paparating na 2019 elections.
Malaki aniya ang magiging epekto ng Anti-Political Butterfly Bill lalo na sa mga kongresista na may tatlong taong termino pati na sa local government officials maliban sa barangay.
Sa ilalim ng proposed measure ay hindi maaaring makalipat ng partido ang mga halal na opisyal isang taon bago mag-eleksyon at isang taon matapos ito.
Paliwanag ni Tugna, sa ganitong paraan ay makakapag-isip na ang isang pulitiko kung pareho sa pinaniniwalaang prinsipyo at ideolohiya ang ipinapamalas ng partido at hindi lang dahil gusto niyang kumapit sa malakas o matatag.
Sa naturang panukala ay isinusulong ng grupo ni Tugna na kailangang mag-resign muna sa puwesto ang isang opisyal bago lumipat at kapag lumabag sa batas ay papatawan ng disqualification na tumakbo sa susunod na halalan at pagbabawalang ma-appoint sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.