DND pumalag sa pagnguso sa kanila ni Colmenares na nasa likod ng Sagay massacre

Pinalagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ni dating Bayan Representative Neri Colmenares na ang militar ang dapat sisihin sa pagkamatay ng siyam na mga magsasaka sa Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lorenzana na ang paninisi ni Colmenares ay pagpapakita lamang na desperado na kanyang mga kasamahan na pasamain ang imahe ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hirit pa nito, gusto lamang ni Colmenares ng atensyon mula sa publiko.

Ayon kay Lorenzana, bilang isang abogado, alam dapat ni Colmenares na mali at hindi patas na magbato ng mga alegasyong wala namang batayan.

Aniya, mayroon namang isinasagawang imbestigasyon tungkol sa krimen at marapat lamang na hintayin muna ang resulta nito bago magbitiw ng anumang opinyon o pahayag.

Maging si Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo ay pumalag sa pahayag ni Colmenares.

Aniya, iresponsable at mapanira ang sinabi nito na nakasisira sa reputasyon ng AFP.

Dagdag pa niya, pinadala na ni AFP Chief, General Carlito Galvez, Jr. si 3rd Infantry Division commander, Major General Dinoh Dolina upang tulungan ang mga pamilya ng mga biktima.

Read more...