Pinaslang na mga magsasaka sa Negros Occidental bagong recruit ng CPP — Malacañan

Ibinunyag ng Palasyo ng Malacañan na mga bagong recruit ng legal front ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army ang siyam na magsasakang minasaker sa Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ito ay base sa initial findings ng mga otoridad na natatanggap ng Palasyo.

Sinabi pa ni Panelo na base sa pederasyon na kinabibilangan ng mga magsasakang pinatay, kaka-recruit pa lamang ng siyam, isang araw bago sila pinatay.

“Ganoon nga ang mangyayari, pero alam mo mayroon pang isang [unclear] … iyong federation ng farmers kung saan miyembro iyong mga taong ito, eh lumalabas na legal front ng CPP-NPA at iyong mga pinatay ay bagong recruit pa lang daw iyon the day before pinatay sila,” dagdag pa nito.

Giit pa ni Panelo, ang CPP-NPA rin ang pumatay sa siyam na magsasaka para palabisin at sisihin na ang gobyerno ang may kagagawan sa masaker.

“Nagkaroon na ng mga initial findings, lumalabas na iyong mga surviving victims na-identify nila iyong mga sumalakay at pumatay, nakilala na nila na ito ay mga CPP-NPA,” ayon sa tagapagsalita ng pangulo.

Pero ayon kay Panelo, mas makabubuting hintayin at patapusin na muna ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad para matumbok ang tunay na motibo sa pagpaslang sa siyam na magsasaka.

Malinaw aniya na kasong murder ang pagpatay sa siyam.

Read more...