“ Mas humanda sila ngayon dahil fully energized na tayo”.
Yan ang reaksyon ni Sen. Antonio Trillanes IV sa naging pagbasura ni Makati Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano sa kasong kudeta kanyang kinakaharap sa hukuman.
Kanina pa lamang umaga ay nakahanda na si Trillanes sa lahat ng posibleng mangyari ngayong araw kaugnay sa desisyon ng hukuman sa kanyang kaso.
Pinasalamatan ng mambabatas ang hukuman dahil hindi umano ito nagpadala sa pressure ng pamahalaan partikular na ng Department of Justice.
Sinabi rin ni Trillanes na malinaw na sinabi ng hukuman na siya ay umamin sa kanyang pagkakasangkot sa kudeta at nagsumite ng kanyang aplikasyon para sa amnesty at ito naman aniya ang totoo.
Minaliit rin niya ang ulat na itutuloy ang court martial sa kanya ng militar dahil wala na umano itong legal na basehan.
Malinaw rin sa desisyon ng hukuman ayon kay Trillanes na kinikilala lamang ng kapangyarihan ng pangulo na maglabas ng proclamation order pero hindi ito nangangahulugan na tama ang pagbawi sa kanyang amnesty.
Sinabi pa ni Trillanes na mananatili siyang kritiko ng pamahalaan at marami siyang ilalabas na expose’ lalo na kina Solicitor General Jose Calida at dating Sec. Bong Go.