Hirit ng DOJ na arrest warrant at HDO laban kay Trillanes ibinasura ng Makati RTC

(Breaking) Denied ang hirit ng Department of Justice (DOJ) na warrant of arrest at hold departure order laban kay Sen. Antonio Trillanes IV.

Ito ang laman ng resolusyon na inilabas Makati Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano kaugnay sa kasong kudeta na kinakaharap ni Trillanes sa nasabing korte.

Ang nasabing desisyon ay isinapubliko ni Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.

Gayunman, sinabi ni Fadullon na kinikilala ng sala ni Judge Soriano ang legalidad ng Proclamation 572 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nasabing proklamasyon ang bumabawi sa naunang amnesty na ibinigay kay Trillanes kaugnay sa kasong kudeta na isang non-bailable offense.

Pasado alas-tres ng hapon ng lumabas si Sheriff Edmund De Javing sa sala ni Judge Soriano at tumango nang tanungin ng mga miyembro ng media kung may inilabas na bang resolusyon ang hukuman.

Tumanggi naman ang nasabing opisyal na sabihin kung ano ang desisyon ni Judge Soriano.

Nauna nang sinabi ni De Javing na kailangan munang maipa-alam sa mga partido na sangkot sa kaso ang desisyon bago ito ilabas sa media.

Ang kasong kudeta ay isang non-bailable offense na nag-ugat sa pagkakasangkot ni Trillanes sa naganap na Oakwood Mutiny.

Read more...