Pangunahing ikinukunsidera ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kaligtasan ng pamahalaan at ng publiko sa pagpili ng third telco player sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Publice Services, sinabi ni DICT acting Sec. Eliseo Rio Jr. na importanteng matiyak na hindi magiging banta sa national security ang mga impormasyon na ipagkakatiwala sa bagong telco player.
Malinaw na nakasulat sa term of reference na kung anumang kumpanya ang makakuha ng telco slot ay dapat sumunod sa mga umiiral na batas salig sa national security issues.
Sa pagtatanong ng mga senador ay sinabi ni Rio na ilang beses na nilang inobliga ang mga telco sa bansa na regular na magsagawa ng cyber security audit para matiyak na regular na nababantayan ang mga impormasyon ng publiko na hawak ng mga ito.
Pinakahuli dito ang naganap na problema sa pagtatayo ng mga isla ng China sa West Philippine Sea kung saan ay inobliga ng DICT ang Globe na magsagawa ng system security check dahil sa kanilang partnership sa Huawei.
Tiniyak rin ng opisyal na tututukan nila ang pagpasok ng mapipiling third telco lalo’t kailangang dumaan nito sa regular na proseso tulad ng congressional franchise at iba pang government requirements.