Sa kanyang petisyon, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio na walang karapatan ang senador na kumandidato dahil natapos na nito ang kaniyang dalawang termino sa Senado.
Sinabi ni Topacio na ang pagtakbo ni Pimental ngayon para sa 2019 elections ay pang ikatlong termino na niya na malinaw na labag sa batas.
Naniniwala si Topacio na nasilbihan ni Pimentel ang kanyang dalawang termino. Sa ilalim ng batas dalawang magkasunod na termino lang pwedeng manilbihan ang senador.
Nilinaw ni Topacio na walang anuman o sinuman na humikayat sa kanya upang kuwestiyunin ang kandidatura ng senador.
Noong 2011, idineklara ng Senate Electoral Tribunal na si Pimentel ang pang-12 nanalong senador noong 2007 elections.
Pinaburan ng SET ang petisyon ni Pimentel laban kay Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Bago pa man maging pinal ang pasya, nagbitiw naman na sa pwesto si Zubiri matapos lumutang ang mga testigo na nagkaroon ng dayaan sa Maguindanao. Ani Zubiri, wala siyang kinalaman sa nasabing dayaan.
Noong 2016 elections naman ay na-reelect si Pimentel bilang senador.
Ani Pimentel, maari pa rin siyang tumakbong senador para sa 2019 elections dahil hindi naman niya nakumpleto ang kaniyang unang termino sa senado.