Isang bagyo binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa
Isang bagyo na mayroong international name na Yutu ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.
Huling namataan ng PAGASA ang tropical storm Yutu sa layong 3,375 kilometers east ng Mindanao.
Ayon kay PAGASA weather specialist Meno Mendoza, maliit naman ang tsansa na pumasok sa bansa ang nasabing bagyo.
Samantala, para sa lagay ng panahon ngayong araw, ang malaking bahagi ng Luzon ay apektado ng northeasterly surface windflow o hanging nagmumula sa Hilagang Silangan.
Dahil dito, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang Bicol Region, at mga lalawigan ng Quezon, Mindoro, Marinduque at Romblon.
Ang Metro Manila naman, nalalabi pang bahagi ng Luzon at buong Visayas ay makararanas ng maaliwalas na panahon maliban lamang sa mga isolated na pag-ulan dulot ng thunderstorms.
Samantala, ang Palawan at Mindanao ay kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa intertropical convergence zone.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.