NBI, nagulat sa biglang dami ng mga nahulihan ng bala sa NAIA

 

Inquirer file photo/Raffy Lerma

Tila naguguluhan ang National Bureau of Investigation (NBI) sa biglang pagdami ng mga pasahero sa mga paliparan na nahuhulihan ng bala sa kabila ng komosyon na idinudulot ng hinihinalang “tanim-bala” scheme.

Sa palagay ni NBI anti-organized crime division chief Manny Eduarte, mayroon pang ibang dahilan sa likod ng “tanim-bala” bukod sa pangingikil na kadalasang binibiktima ang mga OFWs at matatandang pasahero.

Ani Eduarte, maaari ring maghain ng reklamo ang mga biyaherong nabiktima ng “tanim-bala” sa iba’t ibang Philippine embassies sa ibang bansa, at saka ipapasa ang mga sinumpaang salaysay sa NBI upang maimbestigahan.

Ipinaalala ito ni Eduarte dahil dalawa lang sa ngayon ang biktima ng nasabing scam ang naghain ng reklamo sa NBI dahil karamihan sa kanila ay nasa ibang bansa na.

Nais rin nilang tiyakin sa publiko na nagsasagawa na sila ng masusing imbestigasyon at na ilalabas nila lahat ng miyembro ng sindikato kahit pa matapos na ang 15 araw na palugit na ibinigay sa kanila.

Pag-aaralan rin nila kung ano ang dahilan ng biglang pagdami ng mga insidente nitong mga nagdaang araw.

Samantala, wala pa ring natatanggap ang Malacañang ng kopya ng report ng NBI na mayroon talagang sindikato sa likod ng tanim-bala.

Ito ay kaugnay sa naunang report ng Inquirer naisang source mula sa NBI ang nagsabing mayroong isang sindikato sa Ninoy Aquino International Airport na namamayagpag at nambibiktima ng mga pasahero noon pa man.

Ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda, wala pang dinadalang report ang NBI sa Office of the President kaya hindi pa nila ito matiyak.

Read more...