Miyembro ng NPA patay sa engkwentro sa Bukidnon

Nasawi ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makaengkwentro ang mga militar sa Barangay Lacolac, sa Baungon, Bukidnon, Linggo ng umaga.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa namataang NPA sa lugar.

Agad na nagtungo sa bisinidad ang 65th Infantry Stalwart Battalion kung saan nila nakapalitan ng putok ang Guerilla Front Committee 68 mula sa North Central Mindanao Regional Command ng NPA.

Sa ngayon ay hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng napatay na miyembro ng NPA.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang M16 assault rifle.

Ayon kay Brigadier General Eric Vinoya, nakalulungkot na isa na namang Pilipino ang nasawi sa engkwentro.

Aniya, napwersa lamang ang mga mahihirap na magsasaka at Lumad na sumali sa NPA at makipaglaban sa pamahalaan dahil sa panloloko ng grupo sa mga ito.

Samantala, sinabi naman ni 4th Infantry Division commander Major General Ronald Villanueva na bukas ang pamahalaan sa pagtanggap ng mga susukong rebelde.

Hinimok nito ang mga NPA na magbabang armas at talikuran na ang bigong armed revolution. Sa halip aniya ay gamitin na lamang nila ang kanilang oras kapiling ng kanilang mga pamilya.

Dagdag pa nito, mayroon namang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ang pamahalaan na aasiste sa mga susukong rebelde.

Read more...