Programa ng pamahalaan para sa mga susukong rebelde, hindi suhol — Malacañan

FILE

Nilinaw ng Palasyo ng Malacañan na hindi suhol ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng pamahalaan na nangangakong magbibigay ayuda sa mga susukong miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi dapat mapagkamalang bribery o suhol ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabahay, trabaho, at edukasyon para sa mga magbabalik-loob na rebelde.

Aniya, ito ay pamamaraan lamang ng presidente upang makamit ang kapayapaan sa buong bansa.

Ang pahayag ni Panelo ay sagot ng Palasyo sa naunang sinabi ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na sinusuhulan lamang ni Pangulong Duterte ang NPA upang sumuko.

Samantala, ayon kay Panelo, kailangan munang magpakita ng sinseridad ang CPP-NPA bago muling maging bukas ang pamahalaan sa usapang pangkapayapaan.

Hindi kasi aniya maaaring makipag-usap ang gobyerno sa kanila kung ang mga miyembro ng NPA naman ay patuloy na gumagawa ng krimen at pananakot sa mga sibilyan.

Ani Panelo, kung talagang gustong makamit ni Sison ang kapayapaan ay dapat makiisa at suportahan nila ang pamahalaan.

Read more...