Nakatakdang ihain ng labor groups ngayong araw ang petisyon para sa P334 na umento sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Associated Labor Unions Spokesperson Alan Tanjusay, umaasa sila na aaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang kanilang petisyon.
Ang hiling na umento sa sahod ay bunsod ng patuloy na pagsipa ng presyo ng oil products at pasahe sa pampasaherong bus at jeep.
Ani Tanjusay, noong Hunyo ay naghain na sila ng petisyon para sa P320 na wage adjustment ngunit itinaas nila anya ito sa P334 pesos matapos pang pumalo sa 6.2 percent ang inflation sa third quarter ng taon.
Giit ni Tanjusay, ang purchasing power ng P512 na minimum wage sa Metro Manila noong October 2017 ay nasa P363 lamang at bumaba pa sa P340 ngayong taon.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakatakdang magsagawa ng consultation ang wage board kasama ng labor groups ngayong araw.
Nauna nang sinabi ng kalihim na maglalabas ang RTWPB ng bagong wage order bago matapos ang buwang ito.