PDEA, hinamon ng Palasyo na maglabas ng ebidensya vs Lapeña ukol sa P6.8B shabu shipment
Hinamon ng Palasyo ng Malakanyang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maglatag ng matibay na ebidensya kaugnay sa alegasyong dapat papanagutin si Customs commissioner Isidro Lapeña dahil sa pagkakapuslit sa bansa ng P6.8 bilyong halaga ng shabu shipment.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na malinaw ang polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilang isang prosecutor, kailangang bigyan ng hard evidence kapag mayroong alegasyon laban sa isang personalidad.
Sinabi pa ni Panelo na kung sa tingin ng PDEA na totoong may nakapasok na ilegal na droga, dapat nang kumilos ang kanilang hanay para makuha sa merkado at hindi na kumalat pa.
Dagdag ni Panelo, hindi maaring hanggang pahayag lang ang gawin ng PDEA at manisi na lang sa ibang opisyal.
Sa ngayon, tuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkakapasok ng ilegal na droga sa bansa.
Buo pa rin aniya ang tiwala ng pangulo kina Lapeña at Aquino sa kabila ng bangayan ng dalawang opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.