PNP doble-kayod sa paghahanap sa P6.8B na halaga ng shabu
Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na kailangan nilang magdoble-kayod para mabawi ang sinasabing bilyong pisong halaga ng shabu na naipuslit sa Manila International Container Port (MICP).
Sinabi ni Albayalde na kung talagang nakalusot ang nasabing iligal na droga na higit sa P6 Billion ang halaga ay dapat magmadali sila para mailigtas ang mga posibleng makagamit nito.
Inaalam na rin ng mga otoridad kung ang ilan sa mga nakukumpiskang droga sa ilang mga police operations ay bahagi ng nawawalang shabu.
Noong buwan ng Agosto ay nakakumpiska ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs ng higit sa 500 kilo ng shabu na sinasabing nagkakahalaga ng P4.3 Billion.
Kasunod nito ay lumabas ang mga ulat na umaabot naman sa P6.8 Billion na halaga ng droga ang naipuslit sa pantalan sa pamamagitan ng paglalagay sa mga ito sa ilang magnetic lifters.
Makalipas ang ilang araw ay nadiskubre ang nasabing mga magnetic lifters sa General Mariano Alvarez sa Cavite pero wala na itong laman na droga.
Sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad ay sinasabing nag-negative ito sa shabu pero ilang tauhan ng PDEA ang nagsabi na positibo ito base naman sa pag-amoy ng kanilang mga drug-sniffing dogs.
Umapela naman si Albayalde sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na itigil muna ang sisihan at dapat silang magtulong-tulong para maging matagumpay ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.