Gun requirements sa mga hukom mas pinadali ng PNP
Lumagda sa isang kasunduan ang Office of the Court Administrator at Philippine National Police para maging mabilis ang pagkuha ng firearm requirements ng mga hukom sa bansa.
Ipinaliwanag ni PNP Chief Oscar Albayalde na nilagdaan ang kasunduan sa national summit na dinaluhan ng 600 judges sa mga municipal at regional trial courts sa bansa.
Sinabi ng opisyal na mas mapapadali na ang pagkuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside of Residence ng mga hukom sa mga ilalatag nilang mekanismo.
Magtatalaga rin ng caravan ang PNP para mapadali ang pagkuha ng mga kinakailangang requirements ng mga hukom mula sa mga lalawigan.
Sinabi ni Albayalde na delikado ang trabaho ng mga hukom sa bansa kaya dapat lang na bigyan sila ng pagkakataon na pabigyan ng proteksyon ang kanilang mga sarili sa mga banta sa kanilang buhay.
Magugunitang kamakailan lang ay napatay sa ambush si Ozamiz City Judge Edmundo Pintac kung saan hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa rin nahuhuli ang mga suspek sa nasabing krimen.
Bukod sa pagpapadali sa mga requirements sa pagkuha ng baril, sinabi ni Albayalde na nakahanda rin silang magbigay ng seguridad sa mga hukom na tumatanggap ng mga pagbabanta sa kanilang mga buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.