Saudi Arabia umamin na napatay sa loob ng consular office si Khashoggi

AP

Makaraan ang dalawang linggong pananahimik ay inamin na ng pamahalaan ng Saudi Arabia na pinatay sa loob ng kanilang consular office sa Turkey ang journalist na si Jamal Khashoggi.

Sinibak na rin ng kanilang pamahalaan sina Saudi intelligence official Ahmad al-Assiri at royal court media adviser Saud al-Qahtani na sinasabing mga malalapit na tauhan ni Crown Prince Mohammed bin Salman.

Si Khasshoggi na isang Saudi journalist ay kilalang kritiko ng pinuno ng kanilang pamahalaan at kasalukuyang contributor sa Washington Post.

Huli siyang nakitang buhay makaraang pumasok sa Saudi consulate sa Istanbul para ayusin ang kanyang divorce paper.

Mula noon ay hindi na siya nakita at ayon sa pahayag ng mga imbestigador ay pinatay mismo ang mamamahayag sa loob ng nasabing gusali bago pinag pira-piraso ang kanyang bangkay.

Bago ang pamamaslang ay namonitor ng pamahalaan ng Turkey ang pagdating sa kanilang bansa ng ilang mga Saudi nationals na pinaniniwalaang bahagi ng isang death squad.

Makaraang maiulat ang pagkawa ni Khashoggi ay kaagad ring lumabas sa Turkey ang nasabing mga Saudi nationals sakay ng isang private plane.

Sa paunang pagsisiyasat ng mga opisyal ng Turkey ay kanilang nabatid na nakipag-away muna si Khashoggi sa ilang kalalakihan sa loob ng consulate bago nauwi sa pagpatay sa kanya.

Hanggang ngayon ay bigo ang mga otoridad na mabawi ang mga labi ng nasabing Saudi journalist.

Samantala, sinabi naman ni U.S President Donald Trump na posibleng maharap sa sanctions ang Saudi Arabia kapag napatunayang ang pamahalaan mismo ang utak sa pagpatay.

Nauna dito ay naging maingat sa paglalabas ng pahayag si Trump na nauna pang nakiusap sa publiko na huwag maglabas ng mga haka-haka at hintayin muna ang resulta ng kanilang gagawing imbestigasyon .

Read more...