Hanggang sa kanyang pag-alis Biyernes ng hapon ay walang pahayag si Makati Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano ukol sa resolusyon sa hiling ng gobyerno na warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban sa Senador.
Pero ayon kay Clerk of Court Maria Rhodora Malabag-Peralta, batay anya kay Judge Soriano ay “most likely” na sa Lunes October 22 ilalabas ang desisyon.
Ilang araw nang naka-standby ang mga pulis sa 14th floor ng hallway sa Makati City Hall sakaling ipaaresto na si Trillanes.
Una nang sinabi ni Makati police chief Sr. Supt. Rogelio Simon na nasa “last stage” na ng kanyang ilalabas na desisyon ang hukom.
Iaalerto anya sila ni Judge Soriano ilang oras bago ilabas ang desisyon kung aarestuhin o hindi ang senador.
Ayon kay Simon, ang natitirang araw ngayong weekend ay bilang paghahanda sa mga tauhan at sasakyan na gagamitin sakaling ipaaresto na si Trillanes.
Una nang nagpiyansa si Trillanes sa isa pang korte sa Makati para naman sa kasong rebelyon.