Sa inilabas na pahayag ng Grab, hindi na muna sila magbibigay ng anuman karagdagang pahayag hanggang hindi nila nasusuri ng husto ang multa sa kanila ng Philippine Competition Commission (PCC).
Ang multa, ayon kay PCC Comm. Stella Luzo Quimbo ay dahil sa mga paglabag sa kanilang mga kautusan na inilabas noong Abril at aniya may 10 paglabag na ginawa ang dalawang transport network companies (TNCs).
Paliwanag ni Quimbo, itinuloy ang pagbili ng Grab sa Uber sa kabila ng utos ng PCC na suspindihin muna ang negosasyon habang pinag-aaralan ng ahensiya ang bentahan.
Nabatid na pinagmulta ang dalawang TNCs ng tig-P4 milyon dahil sa pagpapatuloy ng bentahan habang isinasagawa ng PCC ang pag-aaral.
Karagdagang P8 milyon sa Grab at P4 milyon sa Uber dahil sa kabiguang panatilihin ang ‘pre-merger conditions, tulad ng pricing, rider promotions, incentives at kalidad ng serbisyo.
Nakuha ng Grab ang 93 porsiyento ng ride-hailing operations sa bansa dahil sa pagbili sa Uber.