BIFF member patay sa sagupaan sa Maguindanao
Patay ang miyembro ng isang Islamic State-linked group sa engkwentro na naganap sa Maguindanao.
Naka-engwentro ng mga sundalo at ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga miyembro Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Mamasapano.
Ayon kay Major Arvin John Encinas ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, tumagal ng anim na oras ang pakikipagsagupaan ng mga sundalo sa grupong pinamumunuan ni Zaunudin Kiaro, Huwebes ng umaga.
Sinabi ni Encinas na tumakas ang mga miyembro ng BIFF patungo sa bahagi ng Shariff Saydona.
Matapos matiyak na ligtas na ang lugar, ginalugad ng mga sundalo at MILF ang pinangyarihan ng bakbakan at doon nila na-recover ang katawan ng isang BIFF member na kinilalang si Saudi Sabang.
May umiiral na ceasefire agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF, at nakasaad sa kasunduan na ang MILF fighters ay makikipag-ugnayan at makikipagtulungan sa mga sundalo sa pagsawata sa mga lawless elements na nasa MILF held areas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.