Ipinauubaya ng Malakanyang sa Department of Justice ang pag-iimbestiga sa mga nakumpiskang mga armas sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Reaksyon ito ng palasyo sa raid na ginawa sa maximum security compound ng NBP kung saan nakuha ang maraming matataas na kalibre ng baril, mga patalim, ipinababawal na droga at pati mga sex toys.
Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, ang NBP na nasa ilalim ng hurisdikyon ng DOJ kaya marapat lamang na ito ang umalam sa puno’t dulo ng mga nadiskubreng mga armas at magpasya kung merong mga prison officials na dapat sibakin.
Pero sinabi ng kalihim na dismayado ang Pangulo sa mga pangyayari dahil hindi ito ang unang pagkakataon na may nakuhang mga baril at droga sa loob ng bilibid.
Magugunitang kamakailan lang ay sinabi ng Pangulo na dapat masibak sa pwesto at kasuhan ang mga prison officials na mapapatunayang kasabawat ng ibat-ibang mga grupong nasa loob ng bilangguan.
Kabilang sa mga armas na narekober kahapon sa raid ay ilang piraso ng mga assault rifles, 12- gauge shotgun, 30 caliber carbine at mga 45 caliber pistols maliban pa sa maraming mga bala.