Hinihinalang ‘hitman’ ni Kerwin Espinosa natagpuang patay sa isang rest house sa Leyte

Inquirer Visayas

Natagpuang patay ang hinihinalang dating hitman ng self-confessed drug lord ni Kerwin Espinosa at ang asawa nito sa isang rest house sa Barangay Talisayan sa Albuera, Leyte.

Ang hitman ay kinilala bilang si Jesus Tulin habang ang kanyang asawa ay kinilala sa pangalang Sunshine.

Nagtatrabaho bilang caretakers ang dalawa ng rest house na pagmamay-ari ng isang Ronnie Alosa.

Kwento ng construction worker na si Armando Maguilan, pasado ala-1:00 ng hapon nang pasukin ng nasa anim na kalalakihan ang bahay.

Tinutukan umano sila ng mga ito ng baril at pinadapa.

Naniniwala si Maguilan na unang pinatay si Sunshine na nasa unang palapag ng bahay habang si Jesus naman ay nagpipintura ng kisame sa second floor nang maganap ang krimen.

Sinabi ni Maquilan na tila aligaga ang dalawa sa tuwing may hihintong sasakyan sa labas ng bahay.

Ayon kay Albuera Police Chief Sr. Insp. Salvador Apacible, si Jesus ay hitman ni Espinosa at may mga kasong murder na isinampa laban dito ngunit naibasura rin dahil sa pagwithdraw ng mga complainants dahil sa pangamba sa kanilang buhay.

Ayon sa opisyal, nitong Lunes lang ay nagsampa sila ng kaso laban kay Jesus sa pamamaril sa isang businesswoman noong Marso.

Read more...