Pangulong Duterte nagbantang magwawala sa ICC

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magwawala siya sakaling makaladkad sa International Criminal Court (ICC) upang ipagharap sa mga reklamong crimes against humanity.

Sa talumpati ng pangulo sa 44th Philippine Business Conference and Expo Sa Manila Hotel, sinabi ni Duterte na kanyang pagsasampalin ang mga hukom at magwawala siya sa international court.

Kwinestyon ng pangulo ang pagkakatalaga sa mga opisyales ng ICC na hindi naman anya nailuklok sa demokratikong pamamaraan.

“Do not drag me in ICC, you idiots. Who is the prosecutor there? Who appointed her? Even the chairman of the ICC, ‘yung fiscal nila, let me ask you, what are you doing there? Are you elected there democratically? Pagdating ko diyan ay sampalin ko kayong mga judges at magwala ako doon,” ani Duterte.

Matatandaang sinampahan ng reklamong crimes against humanity ang pangulo sa ICC dahil sa libu-libong nasawi na inuugnay sa giyera kontra droga.

Iginiit naman ng pangulo na walang hurisdiksyon sa kanya ang Korte at may karapatan siya na maisailalim sa proseso ng batas.

Noong March 2018 ay kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute na kasunduang bumuo sa ICC.

Kinukwestyon ang legalidad ng aksyon ng gobyerno na kasalukuyan pang dinidinig sa Korte Suprema.

Read more...