2 carnapper patay sa engkwentro sa Quezon City

Dead on the spot ang dalawang sinasabing carnapper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Gulod, Quezon City.

Kapwa wala pang pagkakakilanlan ang dalawang napatay na mga suspek.

Batay sa inisyal na impormasyon mula sa mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, nagsasagawa sila ng anti-criminality operation sa lugar nang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ay mayroong kahina-hinalang kilos.

Pagdating sa lugar, nakumpirma ng mga pulis na mayroon ngang dalawang lalaki na umaaligid sa lugar.

Ngunit nang makita ng mga kalalakihan ang mga pulis, agad silang bumunot ng baril at pinaputukan ang mga otoridad.

Gumanti ng putok ang pulisya na nagresulta sa pagkasawi ng mga suspek.

Tinaan sa dibdib ang isa sa mga rumespundeng pulis, ngunit nakaligtas ito dahil sa kanyang suot na bullet-proof vest.

Narekober mula sa dalawa ang isang kalibre 38 revolver, isang kalibre 45 baril, at dalawang motorsiklo na kapwa walang plate number.

Hinala ng mga pulis, ang dalawang suspek ay posibleng nasa likod ng serye ng magnanakaw ng motorsiklo sa Novaliches.

Read more...