FB data breach posibleng maulit sa halalan ayon sa Bayan
Nagbabala ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa posibleng panganib na maidulot ng Facebook date breach sa nakatakdang 2019 midterm elections.
Duda si Renato Reyes, ang secretary general ng Bayan sa timing ng pagkumpirma ng National Privacy Commission o NPC na aabot sa 755,000 na Philippine-based Facebook accounts ang naapektuhan ng data breach noong Setyembre.
Puna pa ni Reyes, nangyari ang data breach ilang buwan bago sumapit ang May 2019 polls.
Sinabi ni Reyes na nababahala ang kanilang grupo na ang data breach ay magamit ng ilang grupo para maka-ungos sa eleksyon, gaya ng ginawa ng Cambridge Analytica na ilegal na kumuha ng mga data o impormasyon para sa political ads at maimpluwensyahan ang 2016 US elections.
Bunsod nito, hinimok ni Reyes ang NPC at Facebook na alamin ang “extent” ng data breach na naka-apekto sa Filipino FB users at maglatag ng nararapat na security features para sa accounts.
Giit ni Reyes, banta sa electoral process ang nangyari kaya dapat ay matuto ang lahat sa sitwasyon noon sa Amerika at huwag hayaang maganap iyon sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.