Grabe ang stress mula nang ako ay maging spokesperson – Harry Roque
Matinding stress ang naranasan ni Atty. Harry Roque sa paninilbihan niya bilang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Roque siya ay diabetic at mula nang maging tagapagsalita siya ng pangulo, hindi na naging normal ang kaniyang blood sugar.
Aniya sa kabila ng paninilbihan niya bilang spokesperson ni Duterte sa loob ng isang taon, masasabi niyang hindi tugma sa kaniyang personalidad na maging alter ego ng isang presidente lalo na kung sa loob ng matagal na panahon.
Bagaman stressful din ang pangangampanya, sinabi ni Roque na ang kaibahan sa ngayon ay gusto niya naman ang kaniyang gagawin.
“Sa totoo lang po mula nung ako ay naging spokesperson ako po ay diabetic, grabe po talaga yung stress, yung sugar ko hindi naging normal. Ngayon po pang-apat o limang araw ko pa lang na hindi spokesman back to normal po ang aking sugar, 141. So sabi ko kay president, talagang health reasons, hindi makakabalik. Saka ito talaga yung mindset mo na e, na ito yung gagawin mo. Though I’m very thankful doon sa offer, parang wala talaga sa plano ko na magtagal sa isang appointive position, dahil ang aking pagkatao din, napakahirap na wala akong sariling personalidad,” Ani Roque.
Tiniis din umano niya ang matitinding batikos na mistulang sinasalo niyang lahat noong panahong siya ang tagapagsalita ng pangulo.
Sinabi ni Roque na mananatili naman ang suporta niya sa pangulo at ilalahad niya pa rin ang suporta sa administrasyon sa kaniyang gagawing pangangampanya.
“Hindi ko na kaya na ako yung binabanatan ng lahat, masyadong sobra namang stress na iyon. Pagdating sa suporta, pagdating sa pagbebenta, nandiyan pa rin po tayo walang nagbabago. Ayaw ko lang na ako lang ang binabato palagi, dahil napakahirap. Halos hindi na nga ako makatingin ng Facebook at Twitter, pero alam ko trabaho iyon sa loob ng isang taon at tiniis natin iyan. Pero kaya nga I’m sure in the end maiintindihan naman ni presidente kung bakit hindi na kakayanin na palawigin pa yung ating termino beyond one year,” dagdag pa ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.