Sakaling manalo sa pagka-senador sa 2019 midterm polls, si Juan Ponce Enrile ang magiging “oldest living politician in office” sa buong mundo.
Batay sa post ng Reddit Philippines, kasalukuyang mas matanda si JPE kina Queen Elizabeth II ng UK na edad 92-anyos at Mahathir Mohamad ng Malaysia na 93-anyos na.
Sa ngayon ay 94-anyos na si Enrile.
Base naman sa Guinness World Records, si Mohamad ang “Oldest Current Prime Minister.”
Si JPE ay naghain ng kanyang certificate of candidacy o COC upang makasabak sa senatorial derby sa susunod na taon.
Siya ay pansamantalang malaya sa kabila ng kasong kinakaharap sa Sandiganbayan kaugnay sa Pork Barrel Scam.
Marami naman ang bumatikos sa pagkandidato ni Enrile sa halalan, gayung idinahilan nito noon sa Korte Suprema ang kanyang kalusugan at edad para mapayagang makalabas ng detention facility sa Kampo Krame.