COC at CONA filing para sa 2019 polls, tinapos na ng Comelec

Isinara na ng Commission on Elections o Comelec ang paghahain ng kandidatura para sa 2019 midterm elections.

Alas-singko ng hapon ngayong Miyerkules (October 17) ay hindi na tumanggap pa ang Comelec office ng mga certificate of candidacy o COC at Certificate of Nomination and Acceptance o CONA.

Ilang oras bago ang deadline, may mga staff ng Comelec main office sa Palacio del Gobernador ang nag-aabiso na eksaktong alas-singko ng hapon isasara ang kanilang tanggapan at mahigpit na susundin ang “no extension.”

Ayon kay James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec, pinaka-marami ang naghain ng COC sa last day ng filing.

Kabuuang 152 ang gustong sumabak sa pagka-senador at 185 partylist hopefuls naman ang nakapaghain ng kani-kanilang kandidatura sa loob ng limang araw na COC at CONA filing.

Sa Disyembre naman inaasahang ilalabas ng Comelec ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa halalan, habang sa Enero 2019 ay nakatakdang simulan ang ballot printing.

Samantala, marami pa ang humabol sa huling araw ng COC filing.

Kabilang sa mga nagtungo sa Comelec main office ay si Geremy Geroy na agaw-atensyon makaraan nitong punitin ang kanyang COC
para sa pagka-senador.

Aniya, sapat na ang maging Pilipino at hindi na kailangang maging senador.

Muntikan namang hindi makapaghain ng CONA ang isang partylist candidate kahit pa nakapasok siya sa building ng Comelec bagong mag-alas singko ng hapon, dahil naiwan daw ang mga dokumento. Pero kinalauna’y pinagbigyan ito.

 

Read more...