Mas mataas na vote transmission rate, target ng Comelec sa 2016 elections

BautistaNais ng Commission on Elections na magkaroon ng mas mataas na vote transmission rate sa 2016 national elections.

Sa panayam sa Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Chairman Andress Bautista na noong 2010 elections nakapagtala ng 90 percent na vote transmission rate pero bumaba ito sa 76 percent noong 2013 elections.

Mayroon ng limang kumpanya na nagsumite ng kanilang bid para ialok ang kanilang serbisyo para sa electronic results transmission services (ERTS).

Ang ERTS ang ginagamit na sistema mula sa municipal, city, provincial, at national canvassing centers sap ag-transmit ng resulta ng botohan.

Kabilang sa mga kumpanya na lumahok sa bidding ay ang Smartmatic International Corp., Edgecomm Inc., Ezcom Telecommunications Service and Solutions Corp., SOG Philippines Inc. at ang Arronet Solutions Integrator Inc.

Sinabi ni Bautista na nauna nang nagkaroon ng dalawang failed bidding kaya nagsagawa na lamang ng negotiated bidding ang Comelec.

Ang mapipiling service provider ang siyang magus-supply ng sistema, kagamitan, at serbisyo para sa ERTS sa halagang P558 million.

Sa datos ng Comelec, ang Smartmatic ay mayroong bid na P507.7 million; ang Ezcom Telecommunications Services and Solutions Corp. ay P505 million; ang Arronet Solutions Integrator Inc., ay P2.11 billion; ang EdgeComm Inc., ay P549.4 million; at ang SOG Philippines Inc., naman ay P555 million.

Pero sinabi ni Bautista na hindi lamang halaga ng bid ang kanilang pagbabatayan sa pagpapasya. “Maliban po sa halaga na binigay nila ay kailangan din nating tingnan ang kainilang kakayahan at karanasan,” sinabi ni Bautista.

Mahalagang bahagi aniya ng eleksyon ang transmission ng resulta dahil habang bumabagal ang transmission ng resulta ay lalo namang tumataas ang duda na nagkakaron ng dayaan.

Read more...